Wala o 1 bagyo posible sa Pebrero
MANILA, Philippines — Inaasahan na magkaroon ng isang bagyo lamang o walang maganap na bagyo ngayong Pebrero batay sa pagtaya ng PAGASA.
Ayon kay Ana Solis, head ng Climate Monitoring and Prediction Section ng Pagasa, maaring wala o may isang bagyo na pumasok sa bansa ngayong Pebrero batay sa kanilang pagtaya para sa naturang buwan.
Sinabi ni Solis na oras na pumasok ang bagyo sa ating bansa, ito ay mas maraming dalang ulan kaysa sa karaniwang ulan na nararanasan dulot na rin ng epekto ng La Niña phenomenon o panahon na maraming ulan sa bansa.
Dulot anya ng La Niña na sasabayan ng ibat ibang weather disturbance tulad ng amihan, easterlies at thunderstorm sa panahon ng tag ulan ay asahan na ang sobrang lakas at dami ng ulan kapag pumasok ang bagyo.
“Nakikita natin batay sa ating monitoring na malalakas na pag-ulan ang ating mararanasan kapag pumasok ang bagyo ngayong Pebrero,” sabi ni Solis.
Nanawagan din ito sa publiko na magsipaghanda at mag-ingat at ugaliing mapagmasid sa paligid laluna kung may kalamidad para makaiwas sa mga epektong dulot nito.
- Latest