6 pasahero tumalon sa hinoldap na jeep, 1 patay
MANILA, Philippines — Patay ang isang 29-anyos na babae nang mabagok ang ulo habang lima pa ang sugatan dahil sa pagtalon sa jeep na hinoholdap kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Idineklarang dead on arrival sa East Avenue Medical Center (EAMC) ang biktimang si Shiella May Serrano ng Uwak Street., Commonwealth Avenue, Quezon City habang ginagamot sa nabanggit na ospital ang lima pa na nagtamo ng mga sugat at bukol sa ulo at nga pasa at sugat sa braso.
Bugbog sarado naman ang suspek na si Joseph Padilla, 53, residente ng 3rd Street, Barangay Commonwealth, Quezon City matapos na kuyugin ng taumbayan.
Batay sa imbestigasyon ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) nangyari ang krimen dakong alas-9:30 ng gabi nitong Miyerkules sa Commonwealth Avenue, Barangay Holy Spirit, Quezon City.
Patungo na sa terminal ang pampasaherong jeep na may plakang TWB 128 na minamaneho ni Edgardo Gabinete nang sumakay ang suspek sa bandang San Fabian sa Commonwealth Ave. at pagdating sa harap na ng St. Peter Church ay nagdeklara ng holdap.
Lumilitaw na unang tinutukan ng suspek si Serrano ng kutsilyo at kinuha ang kanyang bag.
Dahil dito, nagtalunan ang lima pang mga pasahero mula sa tumatakbong pampasaherong jeep.
“Ang ikinamatay daw po ng babae, sa sobrang takot daw po sa holdaper, tumalon daw po habang tumatakbo ‘yung jeep nang mabilis. So... nabagok siya,” ani Patrolman Francis Steve Fontillas ng Quezon City Task Force Disiplina.
Nabawi sa suspek ang bag at iba pang gamit ng biktima habang aminado naman ito sa ginawang krimen.
Nahaharap ito sa kasong robbery with homicide and physical injuries.
- Latest