6 estudyante sugatan sa chemical explosion
MANILA, Philippines — Anim na senior high school students ang nagtamo ang sugat matapos sumabog ang isinalang na chemical sa kanilang laboratory experiment sa loob ng isang private school sa Makati City nitong Miyerkules ng hapon.
Kinilala nng Bureau of Fire Protection (BFP) ang mga sugatang sina Janel Bundalian, Caile Bernardino, Aleysha Loraine Salonga, Blaze Isabel Cereno, Lea Angela Moreno at Lorenz Jarabejo pawang mga estudyante ng Mandaluyong Science High School.
Tatlo ang naospital habang tatlo ay naiturn-over kaagad sa kanilang pamilya sa pagresponde ng dalawang trak ng bumbero at isang ambulansya.
Nangyari ang chemical explosion bandang alas-5:20 ng hapon sa laboratoryo ng Globetek Science Foundation, Inc., na matatagpuan sa Barangay San Antonio, Makati. Sa imbestigasyon, lumilitaw na ethanol leak ang sanhi ng pagsabog.
Inaalam pa kung may naging paglabag ang paaralan sa safety protocol habang kumpleto naman umano ang mga dokumento sa paghawak o pag-iimbak ng kemikal gaya ng ethanol ang paaralan.
Bandang alas-6:46 naman idineklarang fireout ang sunog habang tinatayang nasa P5,000 ang halaga ng napinsalang kagamitan sa pagsabog.
- Latest