2 kasambahay patay sa sunog sa Binondo

Ang nasusunog na unit sa isang condominium sa Binondo na ikinasawi ng dalawang kasambahay.

MANILA, Philippines — Patay ang dalawang helper nang sumiklab ang isang sunog sa isang condominium unit na matatagpuan sa Binondo, Manila, sa kasagsagan ng Chinese New Year kahapon ng madaling araw.

Tumanggi na muna ang mga awtoridad na pangalanan ang mga biktima na may edad 31 at 24 habang hindi pa naiimpormahan ang kanilang mga kaanak sa nangyari.

Lumilitaw sa ulat ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP) na dakong alas-3:25 ng mada­ling araw nang maganap ang sunog sa Unit 35-A na matatagpuan sa ika-35 palapag ng 56-storey na Anchor Sky Suite sa Ongpin St. sa Binondo at sinasabing inookupa ng isang Hanshong Chua.

Halos katatapos lamang umano nang pagdiriwang para sa pagsalubong ng Chinese New Year at nasa kasarapan na ng tulog ang mga residente nang sumiklab ang sunog.

Una umanong nagi­sing si Chua nang sumiklab ang sunog at nakahingi ng tulong kaya nailabas ng condo ang dalawang anak nito.

Gayunman, bigo ang mga awtoridad na mailabas pa ang dalawa nilang kasambahay, na kapwa binawian ng buhay.

Ayon sa mga awtoridad, umabot lamang sa unang alarma ang sunog bago tuluyang naapula dakong alas-4:51 ng madaling araw.

Inaalam pa naman ng mga awtoridad ang pinagmulan ng sunog na tumupok sa tinatayang aabot sa P4.5 milyong halaga ng mga ari-arian.

Hindi naman na kumalat pa sa mga katabing unit ang sunog kaya’t kaagad na ring nakabalik sa kani-kanilang unit ang mga residente doon.

Show comments