PHLPost sa Central at Eastern Visayas binuksan
MANILA, Philippines — Binuksan kamakailan ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) Area V-Central at Eastern Visayas ang Tabogon LGU Postal Station upang magkaroon ng mabilis at episyenteng transaksyon ng mga serbisyo at produkto na iniaalok ng PHLPost sa publiko.
Ayon kay Area 5 Director Ms. Marilyn Alcoy, mas magiging madali, maayos at mabilis na maiproproseso ng PHLPost ang mga sulat at express packages, philatelic products, mag-apply ng Postal ID, bumili ng selyo at postal cards, at marami pang iba.
Layon ng bagong pasilidad na mas mapalapit ang mga serbisyo ng PHLPost sa mga residente ng munisipalidad ng Tabogon sa Cebu at mga karatig na bayan sa probinsya.
“Nais kong magpasalamat kay AD Alcoy ng Area V, sa pagbubukas ng Tabogon LGU Postal Station sa ilalim ng pamamahala ng Carmen Post Office, Cebu Province”, ayon kay Postmaster General Luis Carlos.
Sa pagsisikap na gawing moderno at digitalize ang paghahatid ng mga sulat at parsela, inilunsad ng PHLPost ang pagkakaroon ng Barangay Postal Stations sa buong bansa; ang pagpapatupad ng bagong seven-digit alphanumeric Zip Code PH, na magpapa-standardize sa sistema ng pag-a-address sa bansa; at ang karagdagang pagbubukas ng mga next-day delivery hubs na maglilingkod sa mas maraming SMEs upang matulungan silang palaguin ang kanilang mga negosyo.
- Latest