Kaso ng Quezon City Police District vs VP Sara, ibinasura ng korte

Vice President Sara Duterte on August 20, 2024.

MANILA, Philippines — Ibinasura ng Quezon City Prosecutors Office ang kasong naisampa ng Quezon City Police District laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng insidente sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) noong Nobyembre 27, 2024.

Ang mga kasong Direct Assault, Disobedience to Authority, at Grave Coercion na naisampa laban kay Duterte at sa OVP Security Officer Col. Raymund Lachica at ilang John Does at Jane Does ay dinismis ng piskalya bunsod ng kawalan ng sapat na ebidensiya.

Sa inilabas na desisyon noong Enero 17, 2025, idineklara ng prosecutor’s office na walang sapat na ebidensya upang suportahan ang mga paratang laban sa bise president.

Maging ang mga ­itinurong testigo ng complainant ay hindi sumang-ayon sa pahayag at ang ipinasang video evidence ay hindi rin nagpatunay sa mga akusasyon.

Tumatayong complainant si Lt. Col. Van Jason Villamor, Hepe, QCPD Medical and Dental Unit nang pigilan ni VP Sara ang ilang tauhan ng QCPD habang inaasistehan ang ambulansya na maglilipat sa kanyang Chief of Staff na si Atty. Zuleika Lopez mula VMMC patungong St. Lukes Hospital.

Sa resolusyon na ipinalabas ni City Prosecutor Vimar Barcello, sinabi nitong walang sapat na batayan para isulong ang kasong isinampa laban kina Duterte.

Wala pang pahayag ang QCPD sa naging desisyon ng korte.

Show comments