MANILA, Philippines — Sa ikalawang pagkakataon, muling lumabag sa Land Transportation and Traffic Code o Republic Act 4136 ang driver ng isang kongresista matapos mahuli at matiketan ng mga tauhan ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) noong Enero 23, 2025.
Ayon sa SAICT, ang driver ay dumaan sa EDSA busway sa Main Avenue noong nakaraang Huwebes at noong Setyembre 26, 2024 .
Ang driver na natiketan ng SAICT ay nagmamanaheo ng itim na SUV ay may ordinaryong plate number at sa bahagi ng windshield screen ay naka-display ang selyo ng House of Representatives.
Bahagi ng convoy ang natiketan subalit hindi naman tiyak kung sakay nito ang mambabatas. Nagbigay ng traffic violation ticket ang mga tauhan ng SAICT sa driver.
Pinapatawan ng multang P5,000 sa first offense; sa ikalawa ay P10,000 na multa, isang buwang pagsususpinde ng lisensya sa pagmamaneho, at isang mandatory road safety seminar; sa ikatlong paglabag ay magkakaroon ng P20,000 na multa bukod pa sa isang taong suspensiyon ng lisensya sa pagmamaneho; habang ang ikaapat na paglabag ay magkakaroon ng P30,000 na multa at isang rekomendasyon sa Land Transportation Office para mabawi ang lisensya ng pagmamaneho.