MANILA, Philippines — Nagsanib-puwersa na ang Commission on Elections (Comelec) at Tiktok Philippines sa pagtiyak na magiging malinis ang pagdaraos ng halalan sa bansa sa Mayo 12.
Nabatid na lumagda ang Comelec at TikTok Phils ng isang memorandum of agreement sa pagsasagawa ng mga aktibidad na may layuning magsulong ng tapat na eleksyon at mapanatili ang digital na integridad para sa Halalan 2025.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, gagamitin nila ang video sharing upang mapalaganap ang mga impormasyong may kaugnayan sa eleksiyon.
Kabilang aniya dito ang isang podcast episode tungkol sa mga kailangang gawin tuwing araw ng halalan.
Sa panig naman ni TikTok Philippines public policy manager Peachy Paderna, sinabi nito na ipinagbabawal sa platform ang mga political advertisement.
Hindi rin aniya papayagan ang mga politiko na kumita mula sa mga political content.
Gayunman, pahihintulutan aniya ang pagbabahagi sa TikTok ng mga political statement.