Serye ng holdap sa Metro Manila, 2 timbog

Isa sa dalawang suspek na naaresto ay nakasuot pa ng uniporme ng ride-hailing app.
Philstar.com / Jovannie Lambayan

MANILA, Philippines —  Timbog ng mga awtoridad ang dalawang lalaki na responsable sa serye ng holdapan sa Metro Manila, sa  ikinasang hot pursuit ­operation ng Manila Police District (MPD), sa Arroceros, Maynila, iniulat nitong Sabado.

Isa sa dalawang suspek na naaresto ay nakasuot pa ng uniporme ng ride-hailing app.

Ayon sa pulisya, putol na ang tsansa ng dalawa na makagawa pa ng krimen dahil mahihirapan sila magpiyansa sa pagkakataong ito, na bukod sa robbery, ipinagharap din sila ng reklamong  paglabag sa Gun Ban sa ilalim ng Omnibus Election Code,  at Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Batay sa ulat, may kuha ng CCTV ang panloloob sa isang bakery sa Quezon City noong Enero 12, 2025 kung saan tinangay nila ang bag at mga cellphone ng ilang kustomer.

Sa CCTV din nakita ang dalawa na nangholdap sa isang Japanese national sa bahagi ng Intramuros, Maynila at bago ang panghoholdap  ay nakita sa backtrac­king na napadaan pa sa ­checkpoint ang dalawa ngunit nakatakbo.

Karugtong pa nito ang panghahablot ng cellphone sa bahagi ng Velasquez St., sa Malate, Maynila.

Agad naghain ng reklamo ang biktima at natunton ang dalawa sa Arroceros, Maynila, na nakuhanan ng tig-isang baril at kinumpiska ang isang motorsiklo na kanilang gamit.

Natuklasan na ang isa sa suspek ay bagong labas ng kulungan noong Enero 20 matapos umanong maglagak ng P200-libong piyansa.

Duda ang mga awtoridad na may sindikato o malaking grupong kinaaniban ang dalawa at may  financier na nagpapaluwal ng pambayad sa piyansa.

Show comments