3 Chinese national ipina-deport na ng BI
MANILA, Philippines — Dalawang linggo matapos na maaresto, ipina-deport na ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong Chinese nationals na sangkot sa illegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Ang hakbang sa fast-track deportation, ani BI Commissioner Joel Viado, ay alinsunod sa pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nagbabawal sa operasyon ng mga POGOs na sangkot sa mga illegal na aktibidad.
“Kami ay nagtatrabaho nang walang pagod upang matiyak ang mabilis na pag-alis ng lahat ng mga indibidwal na natagpuang lumalabag sa aming mga batas sa imigrasyon. Ito ay nagpapakita ng ating determinasyon na itaguyod ang mandato ng Pangulo at protektahan ang interes ng bansa,” Sabi ni Viado.
Ang mga na-deport na dayuhan na kinilalang sina Lyu Xun, 23; Kong Xiangrui, 26; at Wang Shangle, 25, ay kabilang sa 450 illegal POGO workers na nahuli sa isinagawang malawakang operasyon ng BI noong Enero 8. Idineport ang mga ito sakay ng isang Air Asia flight papuntang Xiamen, China ng hapon ng Enero 25.
“We encourage those who are still here illegally to voluntarily surrender to authorities,” saad ni Viado. Iwasan ang kahihiyan at kahihinatnan ng pag-aresto. Makipagtulungan ngayon upang mapadali ang iyong pag-alis,” dagdag ni Viado na binigyang babala ang mga illegal POGO workers na nagsisipagtago pa sa bansa.
Binigyang diin pa ng opisyal na higit pang deportasyon ang kanilang ipatutupad sa mga susunod na linggo kaugnay ng pagpupursige ng BI na paalisin na sa bansa ang mga dayuhang illegal na manggagawa.
- Latest