4 na biktima ng human trafficking nailigtas ng BI

MANILA, Philippines — Nailigtas ng Bureau of Immigration (BI) ang  apat na biktima ng human trafficking noong Enero 22.

Sa ulat  na nakarating kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, nasagip ng mga miyembro ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) ang mga biktima na nasa edad 28, 31, 35, at 43 sa Ninoy Aquino Internatio­nal Airport (NAIA) Terminal 1 nitong Miyerkules

Unang idineklara ng  mga biktima na official travel ang kanilang  pag-alis sa bansa patungong­ Hong Kong subalit nabuking sa hindi pare-parehong sagot sa immigration officer kaya dinala ang mga ito sa  secondary inspection. Sa huli ay inamin nila na hindi sila magka- opisina, at isang travel agent ang nagbigay sa kanila ng mga mapanlinlang na dokumento para lumabas sila bilang mga lehitimong turista.

“Pinaghihinalaan namin na sila ay ipinadala upang magtrabaho bilang mga entertainer sa ibang bansa at nagbabayad sila ng P30,000 sa kanilang travel agency na nagbigay ng mga mapanlinlang na kwento at dokumento para sa kanila,” ani Viado.

Nabatid din kay Via­do na tatlo sa apat na biktima ay ilegal na nagtatrabaho bilang entertainer sa ibang bansa bago bumalik sa Pilipinas.

Inamin pa ng isa na naglakbay nang ilegal sa pamamagitan ng isang maliit na bangka sa Southern region ng bansa noong nakaraan upang maiwasan ang inspeksyon ng imigrasyon at magtrabaho sa ibang bansa.

Lahat ng apat na biktima ay itinurn-over sa inter-agency council laban sa trafficking para sa imbestigasyon at tulong.

Show comments