MANILA, Philippines — Hinatulan ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 223 ng habambuhay na pagkabilanggo ang tatlong akusado sa pagdukot at paghingi ng ransom sa negosyanteng si Sally Chua noong 2013.
Sina Ramil Macamay, Riccente Padillo, at Rodante Cabaylo ng “Bye Bye Kidnap for Ransom Group” ay napatunayan ng korte na ‘guilty’ sa kasong pagkidnap kay Chua at paghingi ng ransom na P15 milyon upang ito ay kanilang mapalaya.
Bukod sa habambuhay na pagkabilanggo na walang parole, inatasan din ni QC RTC Presiding Judge Caridad Walse-Lutero ang bawat isa na magbayad ng P100,000 bilang civil indemnity, P100,000 bilang moral damages at P100,000 bilang exemplary damages.
Sinabi naman ni Atty Olicia Laroza Rorevillas, ikinagalak ni Chua ang hatol ng korte gayundin ang Movement for Restoration of Peace and Order dahil sa paglalapat ng hustisya kaugnay ng kaso.
Batay sa record Hulyo 2013 nang dukutin si Chua sa Quezon City at dinala ng kanyang mga kidnappers sa Albay at Leyte gayundin sa Butuan City at Davao City kung saan ito na-rescue.
Nagbigay si Chua sa mga kidnappers nito ng P15 milyon para makalaya. P100 milyon ang inisyal na hinihingi ng mga kidnappers nito. Ani Chua, bahagi ng ransom ay mula sa kanyang winidrow sa isang bangko sa Butuan at inutusan ng mga kidnappers nito na mag-withdraw ng balance sa Davao City pero walang sapat na pondo ang bangko dito.
Tatlo pa sa kidnappers ni Chua ay napatay sa Davao nang magkaroon ng barilan sa labas ng bangko kung saan ito ay magwi-withdraw ng pera.
Si Macamay na sinasabing lider ng grupo ay nahuli sa pinagsanib na operasyon ng PNP Anti-Kidnapping Group at Davao police.
Sa 14 na kidnappers ni Chua, tatlo ang napatay, tatlo ang naaresto na ngayoy nahatulan ng life imprisonment habang ang walong iba pa ay patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad.