MANILA, Philippines — Isang Singaporean actor ang nagpasaklolo sa programang “Wanted sa Radyo” ni Senador Raffy Tulfo matapos siyang mabudol ng P1.5 milyon ng isang Pinay na kanyang nakilala sa dating app.
Sa paglalahad ng aktor na si Laurence Pang, sinabi nito na inalok siyang maging reseller sa isang online shopping mall ng Pinay na nakilala niya sa isang dating site noong Disyembre 2024.
Magiging sistema na dapat muna siyang maglabas ng pondo tuwing may customer na bibili ng produkto.
“Then the customer will take the shipment, I will get 10% of the sale and take back my capital. Before I can take back my commission.. another sale came in, I have to fulfill it again,” ani Pang.
Huli na nang malaman niyang mga pekeng customer ang bumibili at kasabwat ng Pinay.
Umabot umano sa P1.5 milyon ang nawala sa kaniya dahil dito.
Hindi pa rin sila nagkita kahit minsan ng Pinay na nagngangalang “Mika” ngunit nagkaroon daw siya ng ideya na niloloko raw siya nito nang makitang iba ang hitsura nito sa video call kumpara sa litratong ginagamit nito sa dating site.
Ayon kay Philippine National Police Anti-Cybercrime Group spokeswoman PLt Wallen Mae Arancillo, isa umanong “love scam” ang nangyari sa Singaporean actor.
“The usual way of the modus operandi is—this suspect, or cyber criminal, or scammer—they get the sympathy of their victim. And later on, after that, they are encouraging these people to invest in cryptocurrency,” ani Arancillo.
Samantala, hindi pa masabi ni Arancillo kung konektado ba sa Profile of Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) ang nasabing kaso dahil ipinatigil na umano ito ng pangulo noong huling State of the Nation Address (SONA) nito noong Hulyo 22, 2024.
Dagdag pa ni Arancillo, “We are really doing our best with regard to cyber patrolling and online investigation so that we would be able to trace these people behind those POGO or scam hubs.”