Vietnamese timbog sa ‘shabu rice meal’

Ang suspek ay nakipagtransaksyon sa undercover agent at sa entrapment operation ay nabuko ang kanilang modus, ayon sa NBI-Anti-Organized and Transnational Crime Division.

MANILA, Philippines — Arestado ang isang 18-anyos na Vietnamese national nang maaktuhan ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI)  na may dalang iligal na droga na inihalo sa kanin at nakatakda sanang ipadeliber sa food courier, sa Makati City, nitong Martes.

Ang suspek ay nakipagtransaksyon sa undercover agent at sa entrapment operation ay nabuko ang kanilang modus, ayon sa NBI-Anti-Organized and Transnational Crime Division.

“Ikagugulat mo dahil nakahalo ang droga sa kanin.. kung di mo susuriin hindi mo makikita yung droga, ang makikita mo lang kanin,” ani Atty. Mark Santiago, Executive Officer ng NBI-OTCD.

Hindi inabutan ng mga operatiba ang nakatatandang kapatid ng suspek na isa ring Vietnamese national na may dati na umanong kaso ng iligal na droga.

Nasamsam sa loob ng condo ng mga suspek ang ketamine, ecstasy at vape na kargado ng iligal na droga na nagkakahalaga ng P660,000.00.

Kabilang sa modus ng magkapatid ang paggamit ng iniaalok na mga babae sa mga parukyano at mistulang isang party, kung saan naghihintay umano ang mga ibinubugaw at doon na rin nagpapalitan ng iligal na droga.

Ang transaksyon ay nagaganap sa pamamagitan ng paggamit ng Telegram, na ayon sa NBI ay mabilis na madelete ang mga mensahe.

Show comments