MANILA, Philippines — Wasak at halos maputol ang kaliwang binti ng isang 50-anyos na babae nang masagi ng isang closed van habang nakaupo sa sementadong island ng Plaza, Sta. Cruz, bahagi ng Binondo, Maynila, Miyerkules ng gabi.
Ginagamot sa Philippine General Hospital ang biktimang si “Evelyn”, tubong Laguna at hinihinalang may sakit sa pag-iisip.
Sa ulat mula sa tanggapan ni PMajor Jaime Gonzales Jr., hepe ng Manila District Traffic Enforcement Unit, dakong alas-6:15 ng gabi nang maganap ang insidente sa westbound ng Ronquillo St., Plaza Sta. Cruz, Binondo.
Sa kuha ng CCTV mula sa Barangay 303, papalabas ng U-Turn ang closed van mula sa eastbound lane papasok sa Ronquillo nang mahagip ang biktima.
Nasa kustodiya na ng pulisya si alyas Alexander, driver nang aluminum van na may plakang NGG 1942 na nahaharap sa reklamong Reckless Imprudence Resulting in Physical Injury.