MANILA, Philippines — Binalaan ng mga awtoridad ang mga kandidato ngayong midterm elections mula sa paggamit ng International Mobile Subscriber Identity (IMSI) ngayon campaign period kung saan maaaring mapatawan ng parusa habang pinag-iingat din ang publiko laban sa mga natatanggap na text message.
Sa isinagawang joint press briefing kahapon ng Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) at ni Information and Communications Technology Secretary Ivan John Uy, lumilitaw na ang IMSI catchers ay nagagamit sa panahon ng halalan sa pagsasagawa ng text blasts na pagbibigay ng pabor sa mga kandidato na maabot ang mas malawak na botante.
Ang IMSI catchers ay ginagamit sa text scams kung saan ginagaya nito ang mga cell towers at hinihikayat ang mga cellphone users na kumonek sa kanilang system. Nagkakahalaga ng P600,000 at kilala rin sa tawag na “stingray,” rogue cell tower, fake cell tower, cell site simulator, o drop box.
“Possible dahil in the past elections nakita natin na ginagamit itong mga IMSI catchers for text blasting at dati napakamabenta itong mga equipment na ito sa mga politicians especially for election purposes. Tumataas ‘yung bentahan nito during elections,” ani Uy.
Ang pahayag ni Uy ay kasunod ng pagkaka aresto ng PNP-ACG sa isang 46-anyos na Malaysian na umano’y lider ng sindikato na nagsu-supply ng IMSI catchers sa Parañaque City nitong Martes.
“Illegal itong mga equipment na ito at definitely inissmuggle ito papasok so we want to find out also kung saan dumaraan ito, paano ito na smuggle upang ma-track natin ‘yung ruta nila kung paano nakapasok. Technology keeps on evolving puwedeng ito ‘yung bagong technology na gusto i-offer sa mga politicians para magamit sa elections and we would like to remind itong mga candidates that these equipment are illegal, they are not licensed, they are subject to confiscation and criminal prosecution if you possess these devices,” dagdag pa ni Uy.
Nakikipag ugnayan na ang DICT at PNP sa Bureau of Immigration, Malaysian authorities at sa mga bansa na pinuntahan at binebentahan ng device ng suspek.
Ayon naman kay Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) Executive Director Alexander Ramos ang nasabing device ay hindi local product at buo nang pinapasok sa bansa.
“Complete na siya noong dinala dito. This is a new version ng IMSI catcher. Ang idea natin malaki, kinakarga sa sasakyan. Ito mobile, magkakasya siya sa backpack. Makabagong technology ito, kanilang in-introduce sa atin. Once it is up and running, ino-overcome niya ‘yung signal ng mga cell sites,” ani Ramos.
Sinabi naman ni ACG Spokesperson Lt. Wallen Arancillo, bukod sa Pilipinas ibinebenta rin sa Cambodia, China at Thailand.
“Nakita namin na siya ‘yung nag-post sa mismong Facebook page na siya raw yung ‘bestseller’ when it comes to selling this kind of device,” saad ni Arancillo.
Nahaharap ang suspeek sa paglabag sa Cybercrime Prevention Act, Philippine Radio Station and Radio Communication Act, Subscriber Identity Module (SIM) Registration Act at Data Privacy Act.