MANILA, Philippines — Pinababalik ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang budget para sa Information and Technology programs ng Philippine National Police subalit pinatatanggal naman ito ang dagdag na P500 milyong pondo para sa intellgence funds nito.
Ito naman ang sinabi ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla matapos ang kanyang pakikipagpulong kay Marcos hinggil sa priority programs ng Kagawaran ngayon taon.
Ayon kay Remulla, nakitaan ng ilang pagbabago ang budget ng PNP sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act kumpara sa 2025 National Expenditure Program (NEP) kabilang ang tinanggal na budget sa PNP IT program at ang umano’y isiningit na dagdag P500-M intelligence funds .
Sa ilalim ng PNP IT projects kabilang dito ang pagpapabuti ng National Police Clearance System; paglalagay ng Safe Camp Security System at ang PNP Drug-Related Data Integration and Generation System.
Sinabi ni Remulla na ang desisyon ng ni Marcos ay layong maisaayos ang pondo alinsunod sa NEP kung saan nakikitaan ng mga resulta ang nasabing programa.
“I would like to thank the President for his support for the budget of the DILG. Nakita niya ang rationalization na kailangan as according to the NEP at ang pagtatanggal ng budget na hindi naman kailangan sa hanay ng pulisya, BFP at mga ahensya ng DILG,” ani Remulla.
Ang natitirang pondo ay ilalaan sa Integrated National 911 Emergency Response System.
Ang integrated 911 Emergency Response system ay ilulunsad sa Hunyo sa Greater Metro Manila area, Cebu at Mindanao.