Rekord ng ‘espiyang Tsino,’ hawak na ng BI

Ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, ang Chinese, na nasa 39-taong gulang at kasal sa isang Pinay, ay naglalabas-masok na sa Pilipinas simula pa noong 2015.
Bureau of Immigration, Republic of the Philippines

MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) kahapon na napasakamay nila ang rekord ng isang Chinese national, na una nang inaresto dahil sa umano’y espionage activities o paniniktik sa Pilipinas.

Ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, ang Chinese, na nasa 39-taong gulang at kasal sa isang Pinay, ay naglalabas-masok na sa Pilipinas simula pa noong 2015.

Ibinahagi na aniya nila ang mga nakalap na impormasyon laban sa Tsino, sa Department of Justice (DOJ) at sa National Bureau of Investigation (NBI) para sa kaukulang pagsisiyasat.

Kaagad rin naman aniyang magdaraos ang BI ng deportation proceedings laban sa dayuhan, bilang karagdagan sa mga kasong maaari niyang kaharapin sa bansa.

Tiniyak din ni Viado na sisiguruhin nilang matutukoy ang mga dayuhang kasabwat nito at tumutulong sa kanya sa Pilipinas.

Nabatid na ang naturang Chinese national ay naaresto ng mga awtoridad noong Lunes, kasama ang dalawa pang Pinoy.

Binisita umano ng mga ito ang mga kampo ng mga militar, mga base, power plants, mga tanggapan ng mga local government units (LGUs), kampo ng mga pulis, pantalan, paliparan, mga shopping malls sa bansa at maging Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites upang makakuha ng mahahalagang impormasyon.

Show comments