Ballot printing, ipinagpalibang muli sa Sabado

MANILA, Philippines — Ipinagpalibang muli ng Commission on Elections (Comelec) ang pag-iimprenta ng mga balotang gagamitin para sa May 12, 2025 National and Local Elections (NLE) kasunod ng panibagong temporary restraining orders (TROs) na inisyu ng Korte Suprema sa dalawang kandidato para sa midterm polls.

Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, dapat sana ay kahapon, Miyerkules, Enero 22, nila muling sisimulan ang ballot prin­ting subalit dahil sa panibagong TROs na ­inisyu ng Mataas na Hukuman ay nagpasya silang ipag­paliban itong muli sa Sabado, Enero 25.

Nagpasalamat naman si Garcia sa Mataas na Hukuman dahil kaagad nitong inilabas ang panibagong mga TRO bago pa man muling nasimulan ng poll body ang pag-iimprenta ng mga balota.

Matatandaang una nang ipinatigil ng Comelec ang ballot printing matapos na isyuhan ng Korte Suprema ng TROs ang limang kandidato, na ang mga pangalan ay kailangang maisama sa mga iiimprentang balota para sa eleksiyon.

Nagresulta ito sa pagkasayang ng may anim na milyong balota, na nagkakahalaga ng P132 milyon.

Ipagpapatuloy sanang muli ng Comelec ang ballot printing kahapon, ngunit muling nag-isyu ang SC ng TRO, pabor sa mga aspirants na sina Francis Leo Marcos, na tumatakbo sa pagka-senador, at Noel Rosal, tatakbo naman sa pagka-gobernador ng Albay.

Show comments