MANILA, Philippines — Asahan na ang mas marami pang checkpoints sa Metro Manila habang papalapit ang eleksiyon sa Mayo.
Ito naman ang sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) sa ilalim ng pamumuno ni Regional Director Police Brigadier General Anthony A. Aberin bilang paghahanda sa National and Local Elections (NLE) ngayong 2025.
Ayon kay Aberin, puspusan na ang kanilang paghahanda upang matiyak ang seguridad ng publiko.
Sinabi ni Aberin na simula nang ipatupad ng Commission on Election (COMELEC) ang election gun ban, nasa 60 firearms at explosives at nakaaresto na ng 59 indibidwal dahil sa possession of illegal firearms.
Naniniwala si Aberin na kailangan ang mas mahigpit na pagbabantay at checkpoints upang maiwasan ang pagkalat ng loose firearms sa kalakhang Maynila.
Sa kabila nito, pinaalalahanan naman ni Aberin ang kanyang mga tauhan, na mahigpit na sundin ang Police Operational Procedures nang may respeto sa bawat Pilipino.