MANILA, Philippines — Hinatulan ng 7th Division ng Sandiganbayan ng pagkakakulong mula anim hanggang 10 taon si dating Quezon City Mayor Herbert Bautista at kanyang dating city administrator na si Aldrin Cuña matapos mapatunayang guilty sa kasong graft noong 2019.
Batay sa 32 pahinang desisyon ng Sandiganbayan, sina Bautista at Cuña ay nagkasala ng ‘graft’ kaugnay ng ginawang pagbili ng Online Occupational Permitting and Tracking System (OOPTS) noong 2019.
Nakasaad sa desisyon na “WHEREFORE, judgment is rendered finding accused HERBERT CONSTANTINE MACLANG BAUTISTA and ALDRIN CHIN CUÑA GUILTY beyond reasonable doubt of Violation of Section 3 (e) of Republic Act No. 3019.”
Bukod sa pagkakakulong, hindi na maaaring makaupo sa alinmang posisyon sa gobyerno sina Bautista at Cuña.
Hindi naman pinagmulta ng Sandiganbayan ang dalawa dahil ang public funds na ginamit ay natanggap na ng pribadong kumpanyang hindi kasamang nasasakdal sa kaso.
Sinasabing sa kasong ito, nagkaroon umano ng partiality sina Bautista at Cuña nang mai-award ang kontrata sa Geodata Solutions para sa OOPTS kahit na walang kaukulang pag-apruba ang QC council hinggil dito.
Ayon sa kampo ni Bautista, magsasampa sila ng motion for reconsideration kaugnay ng kasong ito.
Ang graft ay tumutukoy sa korapsyon o paggamit ng posisyon sa gobyerno upang makalamang o makakuha ng personal na pakinabang, karaniwan sa pamamagitan ng hindi patas o ilegal na paraan.