BJMP personnel timbog sa pagpapaputok ng baril
MANILA, Philippines — Arestado sa pagpapaputok ng baril ang isang tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) nitong Sabado ng gabi sa Quezon City.
Batay sa report ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) kinilala ang suspek na si JO1 Ham Dumingyay Muhyang, 30, nakatalaga sa BJMP National Capital Region Program Development Division at residente ng Brgy. Sto. Cristo, Bago Bantay, Quezon City.
Nangyari ang insidente bandang alas-11:55 ng gabi nitong Sabado sa harap ng Ihaw Ihaw Restaurant ni Bai sa Brgy. Sto. Cristo, Bago Bantay, ng nabanggit na lungsod.
Ayon sa pahayag ng saksing si “Tony”, 25, nakatayo siya sa labas ng bahay nang makita niyang bumunot ng baril si Muhyang na noo’y nakatayo sa harap ng nabanggit na restaurant at nagpaputok na nagdulot na pangamba sa lugar.
Agad siyang humingi ng responde sa pulisya at mabilis dinisarmahan at dinakip si Muhyang.
Nakuha dito ang isang 9MM Glock pistol, isang magazine walong live ammunitions at isang magazine na kargado ng walong bala. Narekober din ang isang basyo ng baril. Wala namang maipakitang dokumento ang suspek.
Samantala, tiniyak naman ni BJMP chief Director Ruel Rivera na hindi nila kukunsintihin ang maling ginawa ni Muhyang. Agad niyang inutos ang pagsasampa ng kasong administratibo laban dito.
Binigyan diin ni Rivera na walang puwang sa BJMP ang mga tauhan na pasaway lalo pa’t umiiral ang gun ban.
Nahaharap sa kasong alarm and scandal at election gun ban ang suspek.
- Latest