MANILA, Philippines — Nadakip ng magkasanib na pwersa ng National Bureau of Investigation (NBI) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang isang Chinese national at dalawang Pinoy na pinaniniwalaang gumagawa ng ‘paniniktik’ sa bansa.
Iniharap sa media ang mga naaresto na sina Yuanqing Deng, isang software engineer; at mga Pinoy na sina Ronel Jojo Balundo Besa at Jayson Amado Fernandez. Kabilang din sa grupo ang isang alyas “Wang”, lady financier at dalawa pang hindi pinangalanang hardware engineers na pawang nasa China.
Ang puting van na minamaneho ng suspek na Pinoy at isa pa kung saan nadiskubre ang mga makabagong gamit na natukoy na umikot sa mga opisina, lokal na gobyerno, mga planta ng kuryente at shopping malls.
Ayon sa Department of Justice (DOJ) ang Chinese national na nahuli noong Biyernes ay sinasabing ‘spy’ sa bansa ay espesyalista sa “control engineering” na nagtapos sa unibersidad na kontrolado ng People’s Liberation Army (PLA) ng Chinese Community Party at People’s Republic of China.
Sinabi ni NBI Cybercrime Division chief Jeremy Lotoc, na may hawak na mapa ang mga suspek kung saan iikot. Sa katunayan, plano umanong ikutin ng mga suspek ang Luzon, kasunod ang Visayas at Mindanao.Itinuturing ding isang “sleeper” agent ang Chinese na limang taon na sa Pilipinas.
Sinabi naman ni AFP chief-of-Staff Gen. Romeo Brawner, Jr., na ang grupo ay nakaikot na sa mga lugar kung saan matatagpuan ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites. Naniniwala si Brawner na ang paniniktik ng nasabing Tsino ay nagsimula bago pa ang 2024.
Pahayag naman ni NBI Director Jimmy Santiago na posibleng naipadala na sa mga kasabwat ang mga nakuhang impormasyon at status dahil may remote capability ang gamit na device at system.