MANILA, Philippines — Patay ang isang magtiyuhin nang masunog ang kanilang three storey apartment sa kasagsagan ng pista ng Sto Niño kamakalawa ng hapon sa Tondo, Manila.
Hindi na pinangalanan ang mga biktima na 57-anyos ang tiyuhin habang 42-anyos naman ang kanyang pamangking babae.Sugatan naman sa sunog ang may-ari ng tahanan na si Joseph Pua.
Lumilitaw sa ulat ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP), sumiklab ang sunog dakong alas-4:39 ng hapon sa tatlong palapag na tahanan na pagma-may-ari ng pamilya Pua sa 1027- E Bo. Menu Dagupan, Tondo.
Sinabi ni Joel Pua, anak ng lalaking biktima, nasa ikatlong palapag sila ng bahay nang sumiklab ang sunog. Nakababa na umano sila ng bahay ngunit bumalik pa ang ama sa loob upang sagipin ang kanyang naiwang pinsan. Na-trapped na rin sa sunog ang kanyang ama.
Nang maapula ang apoy, dito na nadiskubre ang bangkay ng mga biktima.
Dakong alas-5:34 ng hapon nang maapula ang apoy, at tinatayang aabot sa P50,000 halaga ng mga ari-arian ang nasunog.