Ballot printing, sisimulan muli ng Comelec sa Enero 22
MANILA, Philippines — Nakatakdang simulan muli ng Commission on Elections (Comelec) ang pag-iimprenta ng mga opisyal na balota na gagamitin sa 2025 National and Local Elections (NLE) sa Miyerkules, Enero 22.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, dahil atrasado na ang pag-iimprenta ng mga balota, plano nilang gamitin ang lahat ng available na makina ng National Printing Office (NPO) at mga makinang dinala ng Miru Systems para dito.
“Sa Miyerkules na darating, tayo po ay magsisimula na muli, back to zero, sa pag-iimprenta ng mga balota,” pahayag ni Garcia.
“Meron kasing mga apat pang makina sa NPO. Plano na nating gamitin ang lahat-lahat ng makina ng NPO at ‘yung dalawang bagong makina na dinala naman ng Miru Systems, so para hopefully, ay makagawa ng paraan na ma-doble man lang ang production output sa bawat araw,” aniya pa.
Una nang ipinahinto ng Comelec ang pag-iimprenta ng mga balota kamakailan, kasunod ng kautusan ng Korte Suprema na maisama dito ang mga pangalan ng ilang diniskuwalipikang kandidato na inisyuhan nito ng temporary restraining order (TRO).
Bukod sa pagkaantala ng ballot printing, na nakatakda sanang matapos sa Abril 14, ay nasayang din ang may anim na milyong balota na natapos nang iimprenta ng poll body. Nagkakahalaga ang mga ito ng aabot sa P132 milyon.
Aminado naman si Garcia na hindi madali ang isinasagawa nilang ballot printing at hindi rin nila inasahan ang karagdagang gastos para dito dahil sa reprinting ng mga balota.
Sa kabila nito, umapela si Garcia sa publiko na huwag sisihin ang Korte Suprema sa nangyari.
Giit pa niya, ang kautusan ng SC ay dapat na sundin at igalang.
- Latest