Pamilya ng sampaguita vendor hindi na magsasampa ng kaso
MANILA, Philippines — Wala ng plano ang pamilya ng sampaguita vendor sa viral video na magsampa ng kaso matapos na sirain ang tindang sampaguita ng isang security guard sa isang sikat na mall sa Mandaluyong City.
Sinabi ni Judith, ina ng biktima na bagaman nagalit sila sa ginawa sa kanilang anak na si Jenny pero dahilan baka tulad nila ay mahirap din ang nasabing security guard ay hindi na nila ipupursige ang kaso laban dito. Ang nasabing sekyu ay dinismis na sa serbisyo ng pangasiwaan ng mall matapos ang insidente noong nakalipas na Linggo.
Samantalang nilinaw ng ina ng ginang na hindi menor-de-edad ang kaniyang anak kundi isang 22- anyos na Medical Technology student na isang iskolar sa isang pribadong paaralan.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, nagbigay na sila ng P20,000 tulong pinansyal at isang kabang bigas sa pamilya ng estudyante.
Ang tahanan ng pamilya ng nasabing estudyante ay natagpuan naman ng mga tauhan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Brgy. Baesa , Quezon City nitong Enero 17.
Samantala nilinaw naman ng Quezon City Police District base sa ginawa nilang beripikasyon na hindi miyembro ng sindikato ang nasabing estudyante.
Nabatid pa na tumutulong lamang sa kanilang mga magulang ang biktima sa pamamagitan ng pagtitinda ng sampaguita para makadagdag sa gastusin sa pag-aaral nito na kumikita mula P500 hanggang P1,500 kada araw.
- Latest