Libu-libong deboto dagsa sa Lakbayaw, nutri-jeep ni Senator Imee namahagi ng pagkain
MANILA, Philippines — Dinagsa ng libu-libong deboto na may hawak ng imahe ng Sto. Nino de Tondo ang isinagawang selebrasyon ng Viva Sto. Niño 2025 o mas kilala sa tawag na “Lakbayaw” sa Tondo, Maynila kahapon ng umaga.
Bago tumulak sa iba’t ibang panig ng Tondo ang Lakbayaw procession, alas-6 ng umaga ay nagsagawa muna ng misa sa Tondo Church na dinaluhan ng mga debotong Katoliko kabilang ang mga paslit na sinuotan ng damit ng Sto. Niño. Nagpatupad naman ng mahigpit na seguridad ang mga kagawad ng Manila Police District-Station 2 sa lugar.
Sa parada na sinabayan ng mga sayaw at tugtog, kapansin-pansin ang pagkakagulo ng mga deboto para lang makalapit at magpakuha ng larawan sa sikat na actor na si Raymond Bagatsing na tumatakbo bilang Mayor ng Maynila para sa May 2025 mid term elections at ka-tandem nito si Chicqee Ocampo.
Sa ambush interview ng mga reporters, sinabi ni Bagatsing na sinabayan ang pagsayaw sa mga deboto na kabilang sa kanyang platporma ay ang tunay sa pagbabago sa Maynila.
Samantala namahagi naman ang nutri-jeep ni Sen. Imee Marcos ng pagkain tulad ng nutriban, tubig at iba pa sa mga deboto na nakibahagi sa Lakbayaw Procession sa lungsod.
Bago nagprosisyon, dumalo si Sen. Marcos sa misa sa Tondo Church kasama si dating Manila 1st District Cong. Manny Lopez na nakiisa sa selebrasyon.
- Latest