Crime rate sa Metro Manila bumaba ng 23.73%
MANILA, Philippines — Bumaba sa 23.73% ang index crimes sa Metro Manila mula Nobyembre 23, 2024 hanggang sa kalagitnaan ng Enero kumpara sa kaparehong panahon noong nakalipas na 2023 hanggang Enero 2024, sa simula nang manungkulan si National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Police Brigadier General Anthony Aberin.
Naniniwala si Aberin na ang tuluy-tuloy na pagbaba ng krimen ay bunga ng mas pinaigting na presensya ng kapulisan sa mga lansangan at sa malalaking kaganapan, komprehensibo at balanseng deployment ng mga tauhan sa mga malalaking kaganapan at paglalagay ng isang puwersa ng pulisya na tunay na makikita, maririnig at mararamdaman ng komunidad.
Nabatid na ang walang patid na kampanya laban sa iligal na droga ay nakapagtala ng kabuuang nasamsam na halagang ?153,293,391.60 mula sa Nob. 23, 2024 hanggang Enero 15, 2025.
Sa pinaigting na kampanya laban sa iligal na sugal, 1,518 na operasyon ang nagresulta sa pagkakaaresto sa 3,806 na suspek at pagkumpiska ng ?928,071.50 na bet money.
Sa illegal firearms, 352 indibidwal ang inaresto at 364 na baril ang nakumpiska.
Umabot naman sa kabuuang 2,166 ang nalambat na kinabibilangan ng 976 Most Wanted Persons (MWP) at 1,190 Other Wanted Persons (OWP).
May 349,465 violators naman ng lokal na ordinansa ang naitalang nahuli sa Metro Manila.
- Latest