Biktima ng human trafficking naharang sa NAIA
MANILA, Philippines — Naharang ng mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang isang babaeng biktima ng trafficking na nakatakda sanang sumailalim sa IVF procedure noong Enero 14.
Hindi na ibinunyag ang pangalan ng 34-anyos na biktima na nagtangkang sumakay ng Turkish Airlines flight papuntang Cyprus.
Unang sinabi ng biktima na solo traveler siya at isang leisure trip hanggang madiskubre na sasailalim pala ito sa procedure ng isang IVF clinic, na sumalungat sa kanyang kuwento.
Lumabas sa imbestigasyon na pumayag ang biktima na maging surrogate para sa isang taong nakilala niya sa isang dating app na may ipinangakong P300,000 na payout pagkatapos ng panganganak.
Ikinabahala naman ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang patuloy na pagdami ng alok na surrogacy o IVF online, na ang mga biktima ay madalas na pinipilit na pumasa sa ilang mga pagsusuri sa laboratoryo.
Binalaan din ni Viado ang mga babae na huwag matukso sa halagang ibabayad dahil malinaw itong kaso ng trafficking.
- Latest