Higit P100 milyong pondo nasayang sa SC TRO - Comelec
MANILA, Philippines — Bukod sa pagkaantala ng ballot printing ay aabot rin sa mahigit P100 milyon ang pondong nasayang sa kanila, bunsod nang temporary restraining order (TRO) na inisyu ng Korte Suprema, pabor sa limang kandidato na una nang diniskuwalipika ng poll body mula sa 2025 National and Local Elections (NLE).
Ayon kay Comelec Chairperson George Erwin Garcia, bawat balotang nasayang ay nagkakahalaga ng P22 o kabuuang P132 milyon.
Kahapon ay sinimulan na ang proseso ng disposal sa mga naturang official ballots.
Isasailalim muna sa imbentaryo ang lahat ng naimprentang balota, ipapakete, at ibibiyahe mula sa National Printing Office (NPO) patungo sa Comelec warehouse sa Sta. Rosa, Laguna para sa kaukulang disposal.
Bukod sa mga nasirang balota, magkakaroon din aniya ng dalawang linggong delay o pagkaantala sa pag-iimprenta ng mga balota.
Sa kabila nito, tiniyak ni Garcia na matutuloy ang pagdaraos ng midterm polls sa Mayo 12.
Una nang itinakda ng Comelec ang deadline sa pag-iimprenta ng mga balota hanggang sa Abril 14.
- Latest