MANILA, Philippines — Sinibak na sa trabaho ang guwardiya ng isang kilalang mall sa Mandaluyong City matapos na sirain ang tinitindang sampaguita at sipain pa ang estudyanteng vendor.
Ayon sa pamunuan ng mall, pinaiimbestigahan na nila ang insidente at hindi na pahihintulutan pa ang guwardiya na magserbisyo sa alinman sa kanilang mall.
Nag-viral sa social media ang video kung saan makikita ang batang babae, na nakasuot pa ng school uniform at may dalang bag, habang nakaupo sa hagdan sa labas ng malls at nagtitinda ng sampaguita. Nilapitan ito ng guwardiya at pinagsabihang umalis sa lugar.
Nang tumanggi ang bata, hinablot ng guwardiya ang paninda nito, sanhi upang masira ang mga ito.
Gumanti naman ang bata sa guwardiya at pinaghahampas ito ng sampaguita sa mukha. Dito na sinipa ng guwardiya ang bata habang pilit na pinapaalis.
Umani naman ng negatibong reaksiyon sa mga netizen ang ginawa ng guwardiya sa bata,
Kaugnay nito, magsasagawa naman ng administrative investigation ang Philippine National Police - Civil Security Group (CSG) sa pangunguna ng Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (SOSIA) sa posibleng pananagutan ng security guard at security agency nito.
Ayon kay CSG public information office chief Police Lieutenant Colonel Eudisan Gultiano, titiyakin nilang magiging patas ang imbestigasyon sa insidente.
Samantala, pinaalala naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagkakaloob ng proteksiyon at karapatan ng mga kabataan.
Paliwanag ni DSWD Asst Secretary at Spokesperson Irene Dumlao, dapat protektahan ang mga bata, ilayo sa exploitation at mabigyan ng oportunidad na lumaki ng maayos sa komunidad na ginagalawan.
Aniya ang DSWD at LGU ay patuloy na magka partner para pangalagaan ang kapakanan ng mga kabataan.
Sinabi ni Dumlao na makikipag-ugnayan ang DSWD sa Local Social Worker upang makausap ang mga magulang ng bata at makapagsagawa ng kaukulang intervention kung kinakailangan ng tulong mula sa pamahalaan.
Anya dapat mabigyan ng patas at sapat na pangangalaga ang mga kabataan upang maging productive na mamamayan sa hinaharap. — Doris Franche-Borja, Angie Dela Cruz