Alice Guo, 30 iba pa sasampahan ng 62 counts ng anti-money laundering

Dismissed Bamban mayor Alice Guo attends the sixth joint public hearing of the Quad-Committee of the House of Representatives on September 19, 2024.

MANILA, Philippines — Pinasasampahan na ng Department of Justice (DOJ) ng 62 bilang ng kasong anti-money laundering si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at 30 iba pang kapwa niya akusado.

Ayon kay DOJ Spokesperson at Assistant Secretary Mico Clavano, naging batayan ng panel of prosecutors sa kanilang resolusyon ang kanilang naging findings sa mga ilegal na aktibidad sa sinalakay na compound sa Bamban, Tarlac.

Kabilang aniya sa rekomendasyon ng panel of prosecutors ang pagsasampa ng 26 bilang ng money laundering sa ilalim ng Section 4(a) ng Republic Act 9160 o ang Anti-Money Laundering Act of 2001 at limang counts ng money laundering sa ilalim naman ng Section 4(b) ng Republic Act 10365 o Anti-money Laundering Law in the Philippines. Inirekomenda rin naman ng panel ang paghahain ng 31 bilang ng kasong paglabag sa Section 4(c) ng RA 10365 laban sa dating alkalde at 30 iba pa.

Samantala, ibinasura naman ng panel ang reklamo para sa money laundering sa ilalim ng Section 4(c) dahil sa kawalan ng prima facie evidence at reasonable certainty of conviction laban kina Cassandra Li Ong, na siyang autho­rized representative ng Porac POGO hub, Atty. Jason Masuerte, at ­Nancy Gamo.

Show comments