130 madayang timbangan, winasak sa Valenzuela

MANILA, Philippines — Umaabot 130 madaya at depektibong timbangan ang winasak ng Valenzuela LGU katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI) sa ikinasang Operation Timbangan kahapon sa Karuhatan Market.

Ayon kay Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian, ang mga nasabing timbangan ay nakumpiska mula sa iba’t ibang palengke at pamilihan sa lungsod na nadiskubreng ginagamit bagamat mga palyado at depektibo.

Sinabi ni Gatchalian na layon nilang maprotektahan ang karapatan ng mga mamimili, mai­taguyod ang transpa­rency sa mga transaksyon sa merkado, at mapalakas ang patas na mga gawi sa negosyo sa loob ng lungsod.

Kasunod nito, ipina­alala naman ni Gatcha­lian sa mga nagtitinda sa palengke ang umiiral na ordinansa sa lungsod kung saan mapapanagot ang mga nagtitinda na nandaraya ng timba­ngan.

“Hindi po rason ang pagmahal ng bilihin, dahil lahat naman po tayo ay naghahanap-buhay, importante po na tayo ay tapat sa ­ating gawain. Dito po sa Valenzuela, ang pinaiiral natin ay disiplina, ayaw po nating pinagsasamantalahan ang ating mga consumer. Dapat po natin silang protektahan, bilang bahagi ng ating misyon na pagandahan ang ating environment dito sa lungsod.”, ani Gatchalian.

Show comments