MANILA, Philippines — Tiniyak ni Malabon City Mayor Jeannie Sandoval ang patuloy na pag-ahon ng Lungsod kasabay ng pagsasagawa ng mga programa para sa libu-libong Malabuenos.
Ang paniniyak ay ginawa ni Sandoval kasabay ng pagsasagawa ng ika-apat na “Walang Tulugan Serbisyo Caravan” kung saan inilahad nito ang mga programang magiging susi sa sabay-sabay na pag-angat ng mga taga-Malabon.
Sa katunayan, namahagi si Sandoval ng Certificate of Entitlement for Lot Allocation (CELA) sa mga Malabuenos na matagal nang napagkaitan ng karapatan.
Ilan din sa mga ipinagmamalaki ni Sandoval ay pagtaas ng bilang ng mga nagkatrabaho sa pakikipagtulungan sa Departmentof Labor and Employment (DOLE), pagbibigay oportunidad sa nais na mag-aral sa pamamagitan ng Special Program for the Employment of Students (SPES) at pangkabuhayan ng mga mangingisda sa barangay Hulong Duhat, Ibaba, Tanong, at Concepcion
“Kaya sana po ay ipagpatuloy rin natin ang pagkakapit-bisig. Nagawa na natin noong nakaraang taon, mas kakayanin at gagalingan pa natin ngayong 2025,” ani Sandoval.
Nagpasalamat din ang alkalde sa patuloy na suporta ng national government sa kanilang mga programa kung saan nakikinabang ang tunay na nasa laylayan ng Malabon.