Live TV interview kay Quiboloy, ibinasura ng korte
MANILA, Philippines — Ibinasura ng Pasig City Regional Trial Court ang hiling ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder at Pastor Apollo Quiboloy na makadalo sa isang live television interview, kaugnay nang pagtakbo niya sa pagka-senador sa 2025 National and Local Elections (NLE) sa Mayo 12.
Sa tatlong pahinang desisyon ng Pasig RTC Branch 159 na inilbas nitong Enero 13, 2024, tinukoy nito ang mga panganib na kaakibat ng anumang public statements na maaaring gawin ni Quiboloy sa naturang panayam dahil ang anuman aniyang pahayag na gagawin ng pastor ay maaaring makaimpluwensiya sa persepsiyon ng publiko sa nagpapatuloy na paglilitis sa kanya.
“As a note, while this Court recognizes the right of accused Quiboloy to seek public office and to engage in lawful campaign activities, this right is not absolute and remains subject to regulation by the court,” ayon pa sa hukuman.
Gayunman, nilinaw ng korte na hindi na pinagbabawalan si Quiboloy sa kanyang pangangampanya.
Nabatid na una nang hiniling ni Quiboloy sa hukuman na mapahintulutan siyang dumalo sa live interview na inorganisa ng ABS-CBN News Channel kahapon, Enero 14.
Gayunman, anang hukuman, ang mosyon ay walang kalakip na pormal na imbitasyon mula sa naturang TV network.
Paliwanag ng korte, “Thus, for failure of accused Quiboloy to substantiate his prayer in the motion, and to safeguard the fairness of the trial and maintain the confidentiality of the proceedings, the Court exercises its discretion in not allowing accused Quiboloy to participate in the supposed live interview.”
Matatandaang si Quiboloy, na nahaharap sa non-bailable qualified human trafficking case sa Pasig court, ay una nang naghain ng kanyang kandidatura sa pagka-senador.
Bukod naman sa naturang kaso, nahaharap din si Quiboloy sa kasong paglabag sa Republic Act 7610 o he Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.
- Latest