MANILA, Philippines — Walang nakikitang problema ang Philippine National Police (PNP) kung ibi-video ng publiko ang ipinatutupad na checkpoint ng Commission on Elections (Comelec).
Sinabi ni PNP Spokesperson at PRO3 Director Police Brig Gen. Jean Fajardo, malayang makakapag-video ang motorista o sinumang sibilyan na daraan sa Comelec checkpoints sa anumang lugar sa bansa.
Ito aniya ay pagpapakita ng transparency sa proseso ng checkpoint.
Sa katunayan aniya, mismong si PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil ang nag-utos sa lahat ng mga pulis na nasa Comelec checkpoint na magsuot ng body worn camera maliban pa sa paglalagay ng mga mobile CCTV.
Aniya, mas maganda nga kung may video dahil dokumentado ang bawat checkpoint at patunay lamang ito na wala silang itinatago.
Samantala, nilinaw ni Fajardo na lahat ng mga pulis ay dumaan sa orientation kung kaya’t hindi ito pagmumulan ng away sa pagitan ng pulis at mga motorista.
Maingat din ang PNP sa mandato sa pagrespeto sa karapatang pantao.
Apela rin ni Fajardo sa publiko na makiisa.o sumunod sa Comelec checkpoint upang maiwasan ang anumang abala at gulo.