Meralco, may bawas sa singil sa January billing

Ayon kay Meralco vice president at head ng Corporate Communications Joe Zaldarriaga, dahil sa tapyas sa singil sa kuryente, ang overall electricity rate ngayong buwan ay magiging P11.7428/kWh mula sa dating P11.9617/ kWh noong Disyembre.
STAR/File

MANILA, Philippines — Good news dahil magpapatupad ang Manila Electric Company (Meralco) ng P0.2189 kada kilowatt hour (kWh) na bawas sa singil ng kuryente sa January billing.

Ayon kay Meralco vice president at head ng Corporate Communications Joe Zaldarriaga, dahil sa tapyas sa singil sa kuryente, ang overall electricity rate ngayong buwan ay magiging P11.7428/kWh mula sa dating P11.9617/ kWh noong Disyembre.

Aniya, ang tapyas sa singil ay nangangahulugang ang mga tahanang nakakakonsumo ng 200 kWh kada buwan ay magkakaroon ng P44 na bawas sa kanilang bayarin.

Nasa P66 naman ang matitipid ng mga nakaka­gamit ng 300 kWh kada buwan; P89 sa mga nakakakonsumo ng 400 kwh at P112 sa mga nakakagamit ng 500 kwh kada buwan.

Sinabi ni Zaldarriaga na ang pagbaba sa singil ay dulot ng mas mababang generation charge na bumaba ng P0.1313/ kWh.

Samantala, sa kabila naman nang pagbaba ng ­singil ng kuryente, patuloy pa rin ang paalala ng Meralco sa consumers na magtipid ng kuryente.

Show comments