MANILA, Philippines — Binawi na ni dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson ang kanyang kandidatura sa pagka-senador bunsod ng kanyang kalusugan.
“Gusto ko pong makapaglingkod sa inyo nang buong puso at buong lakas. Kaya minabuti kong unahin muna ang aking pagpapalakas upang mas lalo pa akong makatulong at makapaglingkod sa inyong lahat,” ani Singson kasabay ng paglulunsad ng VBank app sa MOA Arena Linggo ng gabi.
Ayon kay Singson, tinamaan siya ng pneumonia nang manggaling siya sa La Union upang magbahagi ng tulong.
Sinabi nito na mayroon itong kumplikasyon sa kalusugan na galing sa kaniyang mga gamot na iniinom.
Hindi aniya basta-basta ang pangangampanya ganun din ang trabaho sa Senado kaya minabuti niyang konsultahin ang kanyang pamilya at hanggang magdesisyon na iatras ang kandidatura.
Samantala, sinabi naman ni Comelec Chairman George Erwin Garcia, mananatili pa rin ang pangalan ni Singson sa balota para sa 2025 National and Local Elections (NLE), kahit pa tuluyang inurong ang kanyang kandidatura sa pagka-senador dahil umaarangkada na ang pag-iimprenta ng mga balota para sa midterm polls at hindi na mababago pa.