Lalaking magtatrabaho sa scam hub naharang sa NAIA
MANILA, Philippines — Naharang ng Bureau of Immigration (BI) ang isang 35-anyos na lalaking Filipino sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na umano’y naloko para magtrabaho sa isang scam hub sa Cambodia.
Sinabi ni BI Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) Chief Mary Jane Hizon na ang nagpakilalang isang turista papuntang sa Hanoi, Vietnam, sasakay sana ng Cebu Pacific flight sa NAIA Terminal 3.
Nabuko ang pasahero sa kanyang hindi pare-parehong mga tugon sa pagtatanong at nagdulot ng mga hinala, na nag-udyok sa immigration officer na i-refer ito for secondary inspection.
Sa pangalawang panayam, inamin ng pasahero na ang kanyang tunay na destinasyon ay sa Cambodia. Ibinunyag niya na siya ay na-recruit sa pamamagitan ng Facebook at naakit sa mga pangako ng trabaho sa isang business process outsourcing (BPO) company.
Naiulat na ipinadala ng recruiter ang lahat ng mga dokumento sa paglalakbay sa pamamagitan ng Telegram app at inutusan siyang dumaan sa Vietnam bago tumuloy sa Cambodia.
Isa itong classic modus operandi ng mga ilegal na sindikato.
Binalaan ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang publiko na manatiling mapagbantay laban sa mga illegal recruiter at online syndicates.
- Latest