MANILA, Philippines — Inatasan ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ang mga barangay officials na mahigpit na pababantayan ang lahat ng sulok ng lungsod bilang pagsuporta sa pinaiiral na gunban ng Commission on Elections (Comelec) at ng Manila Police District (MPD) simula alas-12:00 ng madaling araw ng Enero 12 hanggang Hunyo 11, 2025.
“Inaatasan ko lahat ng barangay chairman, mga kagawad, at mga tanod na maging force multiplier ng ating kapulisan at tiyaking gumagana nang maayos at malinaw ang kuha ng lahat ng CCTVs at dashcams ng response vehicles,” ani Lacuna-Pangan.
Iginiit niya na dapat ay bantay-sarado lahat ng main city border roads para hindi makapasok sa Lungsod ng Maynila lahat ng mga dayong kriminal at hindi rin makalabas ang sinumang mahuhuling lalabag sa gun ban. Aniya, hindi dapat maabuso o alinsunod sa Philippine National Police at Commission on Human Rights standards ang bawat checkpoint sa Maynila. May sapat na liwanag ang lugar, may name plate ang mga pulis, at may angkop na respeto sa kanilang mga pinapara. Alisto rin dapat ang mga tanod sa mga tatakas sa checkpoint.
Ang mga bodycams ng MPD ay dapat nakasuot at gumagana para recorded ang mga inspeksyong may kinalaman sa gun ban, aniya pa.
“Walang exempted. Walang palakasan. Walang pakiusap. Ipatutupad ang batas sa gun ban at sa wastong search, wastong seizure, at wastong warrantless arrests,” paliwanag niya.
Pinayuhan din niya ang mga motorista na siguruhing gumagana dash cams at helmet cams, bilang proteksyon laban sa mga ‘scalawags’.
Pinulong niya rin ang mga Barangay at SK officials na tiyaking nasa ayos at disiplinado ang mga grupo ng kabataan sa kanilang nasasakupan.
Nagbabala rin sa mga kabataan partikular sa mga ‘gang’ na sila ay sisitahin sa MPD checkpoints at huwag maging pasaway.
Nagbilin din siya sa mga opisyal ng mga eskwelahan lalo na sa high schools na magpatupad ng child protection policy at security inspections sa campus at sa paligid nito at tiyakin na may mga nakabantay na mga tanod at MTPB traffic enforcers.