KFR bumanat: Trader na dinukot, pinatay!

Sa report na tinanggap ni Quezon City Police District Director PCol. Melecio Buslig, Jr., ­nadakip sa follow up ope­ration sina alyas Noli at alyas Mervin sa harap ng Rubber Vulcanize shop sa Quirino Highway, Caloocan City habang pinag­hahanap ang isang alyas JP, alyas Jonel, alyas Jervin at alyas Jerwin.
Philstar.com / Jovannie Lambayan

Bangkay at kotse narekober…

MANILA, Philippines — Arestado ang dalawa sa anim na suspek na pinaniniwalaang miyembro ng kidnap for ransom group na dumukot, pumatay sa isang negos­yante at tumangay sa sasakyan  noong nakaraang linggo sa Quezon City.

Sa report na tinanggap ni Quezon City Police District Director PCol. Melecio Buslig, Jr., ­nadakip sa follow up ope­ration sina alyas Noli at alyas Mervin sa harap ng Rubber Vulcanize shop sa Quirino Highway, Caloocan City habang pinag­hahanap ang isang alyas JP, alyas Jonel, alyas Jervin at alyas Jerwin.

Lumilitaw na inireport sa Anonas Police Station ang pagkawala ng negosyanteng si William Pascara, Sr. 62, noong Enero 9 matapos itong umalis ng bahay noong Enero 5 bandang alas 7 ng umaga sakay ng  kanyang Toyota Innova kung saan patungo ito sa kanyang  fish farm sa  Calauan, Laguna.

Ala-1:57  nang hapon ng araw na iyon nang makatanggap ng tawag  ang anak ng biktima na nagpapa-transfer ng P100,000 sa E-wallet nito. Subalit P79,000 lamang ang naipadala.

Dahil dito, tinawagan ng anak ang ama suba­lit hindi na sinasagot ang kanyang tawag at sa halip ay nag-message na magre-return call.

Alas-4:43 ng hapon nang makatanggap ng text ang anak ng biktima mula sa Land Bank at BPI na nagwithdraw  ang biktima. Dahil dito, nagduda na ang anak ng biktima at humingi ng tulong sa pulis.

Dito na nadiskubre na tinangay ng dalawang kalalakihan ang biktima sa Xavierville Avenue, Brgy. Loyola Heights, Que­zon City bandang alas-8 ng umaga ng ­Enero 5, 2025.

Sa ginawang backtracking isang kulay pula na Mitsubishi Mirage na may plakang WOL 880 ang nakita sa Land Bank Lagro Branch na nag-withdraw ng pera hanggang sa sundan sa harap ng Rubber Vulcanize Shop. Binitbit sina alyas Noli at alyas Mervin habang nagpulasan naman ang iba pa.

Nakuha sa mga ito  ang isang granada caliber 9mm black widow at ilang personal na gamit ng biktima sa sasakyan ng mga suspek.

Enero 9 bandang alas 12 ng madaling araw nang matagpuan ang Toyota Innova ng biktima sa Miramonte Park, Caloocan City na may bakas ng mga dugo.

Kasunod nito, inamin ng mga suspek na pinatay nila ang biktima at inilibing sa  Barangay Minuyan Proper, San Jose Del Monte, Bulacan na nababalutan ng mga sako. Nakatali rin ang kamay ng biktima.

Patuloy naman ang manhunt ng pulisya laban sa iba pang suspek na pinaniniwalaang miyembro ng kidnap for ransom sydicate.

Show comments