MANILA, Philippines — Patay sa bugbog ng kanyang mister ang isang ginang na unang pinalabas na nagpakamatay sa pamamagitan nang pagbigti sa loob ng kanilang bahay sa Quezon City.
Kinilala naman ang nasawing biktima na si alyas Madelaine, 36, habang kulong ang mister na si alyas Eleniel, 41, kapwa residente ng Brgy. Commonwealth, Quezon City.
Sa naantalang report sa Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), bandang alas-4 ng hapon nitong Linggo, nang dumating mula sa trabaho ang anak ng biktima na si Luis at nakitang nakahandusay sa sahig ang ina habang nire-revive ng kanyang ama.
Tinanong ni Luis ang ama kung ano ang nangyari at sumagot ang suspek na nagbigti umano ang kaniyang ina.
Isinugod pa ang biktima sa East Avenue Medical Center, ngunit kalaunan ay binawian din ng buhay bandang 10:16 ng gabi noong Enero 6.
Subalit sa follow-up Investigation, sinabi ng kapatid ng biktima na si alyas Rivera na hindi nagpakamatay ang kanyang ate sa halip ay namatay ito sa bugbog ng asawa.
Base sa pagsusuri ng SOCO team, ang biktima ay nagtamo ng maraming pasa sa iba’t ibang bahagi ng katawan ngunit walang markang ligature sa kanyang leeg.
Nakapiit na ang suspek habang isinasailalim sa imbestigasyon.