Traslacion 2025 inabot ng 20 oras, higit 8 milyong deboto lumahok
MANILA, Philippines — Inabot ng 20 oras ang Traslacion 2025 na nilahukan ng mahigit 8 milyong deboto ayon sa pagtaya ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC).
Ala-1:25 ng madaling araw kahapon nang maipasok ang Andas sa Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno sa Quiapo mula sa Quirino Grandstand na nagsimulang tumulak bandang alas-4:40 ng madaling ng Huwebes.
Nabatid na bumagal ang daloy ng Traslacion nang mapatid ang lubid na humihila at nagbabalanse sa Andas. Nagdulot din ng pagbabagal at paghinto ng Andas ang mga deboto na nagpupumilit na makasampa at makahalik sa Poong Nazareno.
Batay sa datos, nasa 1,290,590 katao ang nasa Quirino Grandstand; 387,010 ang sumama sa Traslacion habang nasa 6,446,450 ang nasa paligid ng Quiapo Church.
Samantala, umakyat na sa 917 deboto ang iniulat na nasugatan at nabigyan ng lunas ng Philippine Red Cross (PRC) sa katatapos na Traslacion 2025.
Nasa 30 deboto naman ang kinailangang isugod sa ospital dahil sa pagduduwal, pananakit ng dibdib, napinsalang ilong, na-dislocate na balikat, pananakit ng bukung-bukong, matinding pananakit ng likod, suspected fracture, at matinding pagdurugo.
Samantala, itinuturing naman ng Philippine National Polic (PNP) na ‘generally peaceful’ ang Traslacion 2025 batay na rin sa koordiinasyon ng PNP, Manila City government, Quiapo Parish at iba pang mga stakeholders.
- Latest