MANILA, Philippines — Umapela kahapon si Las Piñas Councilor Mark Anthony Santos kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na ipagpaliban muna ang pamamahagi ng ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) at iba pang ayudang pinansyal bago mag-midterm election sa Mayo.
Sinang-ayunan ni Santos ang sinabi ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na election fund ang AKAP ng mga kandidato ng administrasyon o reelectionist sa darating na halalan sa Mayo.
“Kung totoo na ang AKAP ay isang election fund, unfair ito sa mga independent o opposition candidate sa Mayo midterm election dahil hindi sila mabibigyan ng ayuda na mula sa gobyerno,” ani Santos.
Tulad sa kanilang lungsod, dalawang senador at isang representative ang kasalukuyang nakaupo na pawang mga suportado ang administrasyon ni Presidente Ferdinand Marcos Jr, ayon sa konsehal.
Ayon naman kay retired Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio, na inihalintulad ang AKAP cash assistance sa kontrobersyal na pork barrel system, at ang mga opisyal ng barangay ang magbigay ng listahan ng mga benepisyaryo.