Karambola ng 3 sasakyan, 10 pasahero sugatan

MANILA, Philippines — Sampung pasahero ang sugatan at isinugod sa ospita kaugnay ng  karambola ng tatlong sasakyan sa Quezon City nitong Biyernes ng madaling araw.

Kinilala ang mga pasaherong nasugatan na sina Asuncion Avestruz- Cabaces; Leslie Marie Rosario; Ma. Luisa Dioso; Ryan Gil Cabulay; John Carl Oñe; Lorens Cris Macalino; Bennie Rivera; Jimson De Leon; Jan Carlo Santos, at  Roberto Salinas.

Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector, bandang alas-3 ng madaling araw, nang mang­yari ang aksidente sa EDSA Darius bridge u-turn slot, sa Brgy. Bahay Toro, Quezon City.

Batay sa imbestigas­yon, kapwa binabaybay nina Kimbert Francis Migriño Canarias, 20, sakay ng Honda City (XLT-817), at Roberto Macaranas Slainas, 50, driver ng To­yota Hi Ace Commuter Van (SJA-836), ang kahabaan ng EDSA north bound lane galing North Ave., patungo sa Monumento.

Pagsapit sa nasabing lugar ng aksidente, biglang nasalpok ng Howo Dump Truck (NBJ-2661) na minamaneho ni Emmanuel Lacbayan Melo, 38, ang Toyota Hi Ace Commuter Van, at dahil sa lakas ng impact, ay bumangga ang likurang bahagi ng Honda City na noon ay nakatigil.

Nagtamo ng mga sugat sa katawan ang 10 pasahero ng Hi Ace Van at dinala sa Quezon City General Hospital.

Nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Damage to Property with Multiple Physical Injuries ang driver ng truck.

Show comments