Warrant of arrest sa investment scam
MANILA, Philippines — Sumuko ang aktres at komedyanteng si Rufa Mae Quinto sa National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng warrant of arrest na inisyu ng Pasay City Regional Trial Court Branch 111 laban sa kanya sa bunsod ng 14 counts ng paglabag sa Section 8 ng Securities Regulation Code.
Paglapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 kahapon ng madaling araw, agad na dumiretso sa NBI ang aktres upang bigyan linaw ang kinakaharap nitong kaso sa isyu ng Dermacare - Beyond Skincare Solutions. Galing Amerika ang aktres.
Sumailalim sa medical examination si Quinto bago siya iniharap sa Pasay court, kung saan nakatakdang maghain ng mga piyansa.
Batay sa Securities Regulation Code, ang mga securities tulad ng shares at investments ay hindi maaaring ibenta sa Pilipinas nang walang registration statement na nararapat na inihain at inaprubahan ng Securities and Exchange Commission (SEC).
Una nang kinumpirma ni Atty. Mary Louise Reyes, abogado ni Quinto, na nahaharap ang kanyang kliyente sa 14 na bilang ng paglabag sa Section 8 ng SEC Code kasabay ng paglilinaw na hindi sa large-scale estafa. Maglalagak ng piyansa ang aktres.
“She will face those charges. She’s worried kasi hindi naman totoo ‘yung allegations kasi my client po is just a brand ambassador, a model-endorser,” ani Reyes.
Sinabi ni Reyes na hindi sa aktres nagbayad ng downpayment ang mga complainant. Noong Disyembre 3, 2024, nang ipahayag ng aktres ang pagsuko at sinabing hindi siya sangkot sa scam bagkus ay biktima pa.
Ang isyu ng Dermacare-Beyond Skin Care Solutions ang naging dahilan din kaya ipinaaresto ng Pasay Court noong Nobyembre ng nakalipas na taon si Neri Naig, ang endorser-entrepreneur at maybahay ng vocalist ng Parokya ni Edgar na si Chito Miranda.