4 NBI employees, 7 fixer huli sa entrapment

Ang operasyon ay kasunod ng utos ni NBI Director Judge Jaime Santiago na puksain ang red tape sa kawanihan na nagresulta sa pagkadakip sa pitong suspek na nag-ooperate sa labas ng NBI Clearance Center at apat na kawani ng NBI na nasa Information and Communication Technology Division (NBI-ICTD).
PNA / File

Nagbebenta ng NBI clearance

MANILA, Philippines — Apat na empleyado ng National Bureau of Investigation (NBI) at pitong ‘fixer’ ang dinakip sa entrapment operation ng NBI-Cybercrime Division (NBI-CCD) at NBI – Special Task Force (NBI-STF) dahil sa pag-iisyu ng NBI clearance/certificates, nitong Lunes.

Ang operasyon ay kasunod ng utos ni NBI Director Judge Jaime Santiago na puksain ang red tape sa kawanihan na nagresulta sa pagkadakip sa pitong suspek na nag-ooperate sa labas ng NBI Clearance Center at apat na kawani ng NBI na nasa Information and Communication Technology Division (NBI-ICTD).

Lumilitaw na nagagawa ng mga empleyado na mapabilis ang pag-iisyu ng NBI clearance applications kapalit ng bayad na mula P800.00 - P2,000.00.

Isinailalim sa inquest proceedings nitong Martes ang apat na NBI personnel sa reklamong Direct Bribery ng Article 210 ng Revised Penal Code Section 3(b) at (e) ng R.A. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act); Section 7(d) ng R.A. No. 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees); at Sec. 21(c) at (h) ng R.A. No. 11032 (Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018) kaugnay ng Section 6 ng R.A. No. 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012).

Ipinagharap naman ng reklamong paglabag sa Section 21(c), (g), at (h) ng R.A. 11032 (Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018) kaugnay ng R.A. No. 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012) ang pitong fixer.

Binigyang-diin ni Director Santiago na walang lugar para sa mga katiwalian sa NBI sa ilalim ng kanyang pamumuno at nagbabala na siya ay walang humpay sa pagtugis sa mga indibidwal na lalabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act Law.

Show comments