MANILA, Philippines — Arestado ang dalawang Chinese national matapos na reklamo ng pangingidnap at pangingikil sa kanilang dalawang kababayan sa Cavite.
Kinilala ni Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) director Brig. Gen. Nicolas Torre III ang mga suspek na sina Zhou at Juncheng na ngayon ay nasa kustodiya na ng District Special Operations Unit (DSOU-CIDG).
Ayon kay Torre, nadakip ang mga suspek nitong Lunes bandang alas-11:15 ng gabi sa Brgy. Pascam 1, General Trias, Cavite.
Bago ito, inireport ni “Mak” ang pagdukot ng mga suspek sa kanyang mga kaibigan na sina Yuanjie at Yuanhao na kapwa Chinese nationals din. Hiningan din ng pera ng mga suspek ang mga biktima.
Agad na ikinasa ang police operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek at pagkakakumpiska ng P1,000 bills, 300 piraso ng P500 boodle money, 298 piraso ng P1,000 boodle money, isang Colt Pistol Caliber .45, magazine ng .45 caliber at mga bala ng baril.
Nahaharap sa kasong kidnapping at serious illegal Detention sa ilalim ng Article 267 ng Revised Penal Code at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act under R.A. 10591.
Sinabi ni Torre na patuloy ang PNP sa pagbibigay proteksiyon sa publiko.