Salpukan ng ambulansiya at jeep, 7 sugatan
MANILA, Philippines — Pitong pasahero ang nasugatan nang magsalpukan ang pampasaherong jeep at ambulansya sa Barangay Pinyahan, Quezon City nitong Martes ng gabi.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 3, bandang 9:30 ng umaga nitong Martes nang maganap ang aksidente sa intersection ng Kalayaan Ave., at V. Luna Road, sa Brgy. Pinyahan, Quezon City.
Kinilala ang mga nasugatan na sina Dra. Sarah Mae Pulmares; Rodolfo Gobangco Libunao; Rowena Lozada Erta; Racel Arilla Asis, at isang hindi pa nakilalang pasahero ng jeep.
Nagtamo rin ng galos sa katawan ang driver ng ambulasiya na Edward Bantuan Carreon at ang mangangalakal na si George Camacho, 56, na natutulog sa kalsada.
Sa imbestigasyon, binabaybay umano ng ambulansya na may plakang plate SAB 8950, na minamaneho ni Carreon ang kahabaan ng V. Luna Road patungong East Avenue upang dalhin ang pasyente sa Philippine Heart Center nang masalpok ng pampasaherong jeep galing sa Kalayaan Avenue.
Dahil sa lakas ng impak ay bumangga pa ang ambulansiya sa isang puno at sa kariton ni Camacho dahilan upang mabasag ang windshield nito at nawasak ang kanang bahagi ng sasakyan.
Nailipat naman agad ng mga rumespondeng rescue team ng Barangay Malaya, ang pasyenteng sakay ng naaksideng ambulansya sa nasabing ospital.
Patuloy pa ang imbestigasyon sa aksidente habang tinutugis ang tumakas na driver ng jeep na nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Damage to Property with Multiple Physical Injury.
- Latest