MMFF pinalawig hanggang Enero 14
MANILA, Philippines — Sa gitna ng panawagan ng publiko, pinalawig pa ang pagpapalabas ng Metro Manila Film Festival (MMFF) ng mga opisyal na entry hanggang Enero 14 sa mga piling sinehan lamang.
Sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman at concurrent MMFF overall Chairman Atty. Don Artes na ang desisyon ay upang patuloy sa pagtangkilik ang mga manonood sa MMFF kaya sa halip na magtatapos na ang theatrical run ngayong Enero 7, ay mapapanood pa ito sa karagdagang isang linggo.
Sa nasabing extension, papayagan pa ring magamit ang MMFF complimentary pass hanggang Enero 14.
Dagdag pa ni Artes, umaasa ang MMDA na patuloy na tataas ang kita sa 2024 MMFF.
Inorganisa ng MMDA ang MMFF na layong isulong at pahusayin ang preserbasyon ng pelikulang Pilipino.
Ang mga nalikom mula sa MMFF ay mapupunta sa ilang benepisyaryo sa industriya ng pelikula, tulad ng Movie Workers Welfare Foundation (Mowelfund), Film Academy of the Philippines, Motion Picture Anti-Film Piracy Council, Optical Media Board, at Film Development Council of the Philippines (FDCP).
- Latest